Thursday, November 6, 2008

Ang Pinagmumulan at ang Pagkalat ng Tsismis

Ang Pinagmumulan at ang Pagkalat ng Tsismis

Inihanda ni: Mellor, Mark Christopher D.

Ang tsismis ay bahagi ng kalakaran ng lipunan sa buong daigdig sa lahat ng antas ng kasaysayan. Bgamat ang nilalaman ng tsismis ay nagbabago, ang pagsagap ng tsismis o bali-balita bilang kaugalian ay nananatili sa paglakad ng panahon.


Bilang konsepto, ang tsismis ay problematiko. Ayon kina Paterson at Gist (1951), malaki ang pagkakaiba ng tsismis batay sa tipo at klasipikasyon. Iba ang tsismis na artipisyal at sistematikong ipinakakalat upag magsilbi sa interes ng iilan sa tsismis na natural na produkto ng imahinasyon at pantasya ay katumbalik ng tsismis na agtataglay ng katangian rasyonal. Dahil sa malawak na pagkakaibang ito, hindi katakataka na ang mga mananaliksik at dalubhasa ay hindi magkasundo sa iisang depinisyon ng tsismis.


Para sa nakakaraming sikolohista, ang tsismis ay produkto ng distorsyon ng transmisyong serial. Batay sa ganitong pananaw ang pangunahing katangian ng tsismis ay kamalian. Ang tsismis ay maaaring isang akala, opinion at balita na mali at hindi beripikado subalit kumakalat sa pamamagitan ng paglipat lipat ng bibig. Ang kamalian o distorsyon ay inaakalang pumapasok lamang sa tsismis sa paglilipat-lipat na ito. Inuugnay ang distorsyon sa limitasyon ng persepsiyon at gunita ng tao. Ang pananaw na ito ang siyang gabay sa pag-aaral nina Allport at Psotman (1947).

Pinagmumulan at batayan ng pagkalat ng tsismis.


Isang sosyo-sikolohista, si Kurt Bach, ang nagsabing ang tsismis ay nakatutulong sa pagpapaliwanag ng isang damdamin o sitwasyon. Ani Bach, ang tao ay nagkakalat ng tsismis dahil sa matinding pagnanais na ibahagi sa iba ang istorya at matamo ang paghanga ng iba bilang isang nakakaalam. Ang pananaw na ito ay sinuportahan ni Sprott (1952). Ayon sa kanya, ang taong nagkakalat ng tsismis ay gusting ipagmalaki na siya ay nakakaalam sapagkat ang pagkakaroon ng kaalaman sa isang sitwasyong di-tiyak ay nakagiginhawa.


Ang tsismis ay iniugnay ni Tiongson (1958) sa pagkabagabag. Aniya, ag taong ligalig at biktima ng pagkabagabag ang siyang madaling maniwala at magkalat ng tsismis.


Ayon naman kay Faris (1952), ang isang tao ay madaling makasagap ng tsismis sa isang kopnteksto ng paninibago, kawalan ng katiyakan at pangangailangan ng impormasyon. Kung ang di-katiyakan at pangangailangan ng impormasyon ay laganap, ang tsismis ay higit na mabilis kumalat.


Sa isang pag-aaral ni Aldana (1973), napagalaman na mayroon iba’t ibang pagganyak sa pagsagap ng bali-balita. Ang pagsagap ng bali-balita ay maaaring anyo ng mekanismong pananggalang isang paraan ng pangangatwiran pagpoprotekta sa sarili o dili kaya ay likas na paghahanap ng mga tao ng kasagutan sa mga pangyayari sa kapaligiran.

Ang tisimis ay kumakalat ayon kina Allport at Postman (1947) batay sa kahalagahan at di-katiyakan ng paksa ng tsismis sa buhay g kasapi sa grupo. Ang di-katiyakan ay maaaring likha ng kawalang-kakayahan ng komuikasyon at kawalan ng tunay na balita.

Mga pag-aaral tungkol sa pagkalat ng tsismis.


Ang itinuturing na pinakamalawak na pag-aaral sa tsismis ay iyong isinagawa nina Allport at Postman (1974). Ang pag-aaral na ito ay isinagawa sa pamamagitan ng eksperimento sa loob ng laboratoryo upang mabatid ang mga pangyayari sa isip ng tao na makapagpapaliwanag sa distorsyon at eksaherasyon na pumapasok sa tsismis.


Nilagom nina Allport at Postman ang resulta ng kanilang pag-aaral sa pamamagitan ng tatlong konsepto: laveling, na tumutukoy sa tendensiya na ang ipinapasang mensahe ay umikli at madaling maunawaan; sharpening, ang tendensiyang mamili kung alin ang matatandaan at ang retensyon ng limitadong bilang ng detalye; at assimilation, ang tendensiya ng impormasyon na maging magkakaugma batay sa palagay at interes ng ng mga taong bumubuo sa eksperimento.


Kung mahaba ang panahong lumipas matapos ang persepsyon ng sitwasyon, ang pagbabagong nagaganap sa ipinasang impormasyon ay higit na malaki. Gayundin, kung marami ang taong kasama sa pagpapasahan ng impormasyon, higit na maraming pagbabagong magaganap sa mensahe hanggang sa sumapit ito sa isang higit na madaling tandaan at maikling anyo.


Sa pag-aaral sa tsismis sa natural na kapaligiran, natagpuan nina Prasad (1935), Cpalow (1974) at Schacter at Burdick (1955) na ang nilalaman ng tsismis ay hindi lagging nauuwi sa distorsyon. Sa isang eksperimento tungkol sa pagkalat ng tsismis na isinagawa nina Schacter at Burdick, natagpuan nila sa 96 na porsiyento ng mga kasapi ang kawalan ng distorsyon. Ang kanilang pag-aaral ay isinagawa sa isang eksklusibong eskwelahang pambabae. Hiningi nila ang tulong ng ilang guro upang makagawa sila ng sitwasyong nababagay sa pagkalat ng tsismis.


Ang kawalan ng distorsyon ay pinatunayan din ng pag-aaral ni Prasad ukol sa pagkalat ng tsismis matapos ang isang malawakang lindol sa India. Inireport niya na ang ilang tsismis ay nakarating sa kanya mula sa iba’t ibang tao sa iisang anyo.


May mga ginamit na pagtataya ang mga mananaliksik ukol sa pagkalat at pinagmumulan ng tsismis sa natural na setting tulad na lamang ng palatanungan. Makakatulong ito sa pagkuha ng impormasyon tungkol sa nilalaman at layunin ng tsismis subalit hindi gaanong makapagbibigay-linaw sa paraan ng pagkalat ng tsismis.

No comments: